ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na operasyon ng mga dayuhan at palakasin ang seguridad sa hangganan, inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na natuklasang overstaying at umano’y gumagamit ng pekeng identidad sa isinagawang operasyon sa Lungsod ng Parañaque.
Isinagawa ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang Intelligence Section ng Parañaque City Police at ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ang operasyon sa isang condominium unit sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Inaresto si Fang Li, 36, isang Chinese national.
Batay sa impormasyong natanggap ng BI, sangkot umano si Fang sa mga ilegal na aktibidad sa lugar at gumagamit ng identidad ng ibang Chinese national.
Ayon sa rekord, huling pumasok sa Pilipinas si Fang noong 2022 bilang temporary visitor ngunit nabigong mag-apply ng visa extension o conversion, dahilan upang maituring siyang overstaying alien.
Sa operasyon, nadakip din ang dalawang Chinese nationals na sina Chen Youliang, 38, at Xu Yuxiang, 39.
Batay sa database verification, si Chen ay may aktibong Blacklist Order at dati nang nabigyan ng Order to Leave dahil sa paglabag sa kondisyon ng kanyang visa. Wala rin siyang naipakitang pasaporte o immigration documents sa oras ng pag-aresto, kaya’t itinuturing siyang undocumented alien. Samantala, si Xu ay natukoy na overstaying alien matapos mapatunayang huling na renew ang kanyang visa noong 2020.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi kukunsintihin ng ahensya ang mga pagtatangka ng mga dayuhan na iwasan ang batas sa pamamagitan ng paggamit ng pekeng identidad.
“Ang mga dayuhan na susubok na umiwas sa ating mga batas gamit ang alias, pekeng identidad, o paso nang visa ay agad na aarestuhin at ipapadeport,” ani Viado. “Nanatili kaming matatag sa pagtitiyak na ang mga sangkot sa ilegal na aktibidad ay maaalis sa bansa.”
Mananatili sa Bureau of Immigration Warden Facility ang mga inarestong indibidwal habang isinasagawa ang deportation proceedings.
The post 3 Tsino inaresto ng BI dahil overstaying, walang dokumento appeared first on Journal News Online.