3 arestado sa operasyon ng CIDG vs ilegal na baril sa Nueva Ecija

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija — Tatlong indibidwal ang naaresto sa dalawang magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Nueva Ecija bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na mga baril sa ilalim ng Oplan Paglalansag Omega.

Ayon kay CIDG Regional Field Unit 3 chief Col. Grant Gollod, nagresulta ang mga operasyon sa pagkakasamsam ng ilang baril, mga bala, at kaugnay na kagamitan, gayundin sa pagsasampa ng mga kasong kriminal dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sinabi ni Gollod na dalawang suspek ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Purok 6, Barangay Sta. Lucia Young sa bayan ng Zaragoza.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina alyas Cruz, 40, residente ng Barangay Sapang Maragul, Tarlac City, at alyas Yalung, 31, residente naman ng Barangay San Isidro, Tarlac City.

Pinangunahan ang operasyon ng CIDG Nueva Ecija Provincial Field Unit (PFU) sa tulong ng Zaragoza police kung saan nakumpiska ang isang Akkar Altay Taktik 12-gauge shotgun na may serial number 6152821, isang sako ng bigas, isang Android cellular phone, at ang buy-bust at boodle money.

Dinala ang mga suspek sa himpilan ng CIDG Nueva Ecija PFU para sa booking at dokumentasyon.

Samantala, nagsilbi rin ng search warrant ang mga awtoridad sa bayan ng Aliaga sa parehong araw na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa pang suspek sa Barangay Poblacion East II.

Kinilala ang suspek na si alyas Rillo, 43, residente ng nasabing barangay.

Ayon kay Gollod, pinangunahan ng pinagsanib na operatiba ng CIDG Nueva Ecija PFU at mga tauhan ng Philippine National Police Special Action Force ang pagpapatupad ng search warrant, kung saan nasamsam mula sa suspek ang isang 9mm pistol na walang tatak at serial number, isang magazine assembly para sa 9mm na baril, anim na bala ng 9mm, isang sling bag, isang gun case, isang magazine assembly para sa kalibre .45 na baril, at mga basyo ng bala ng kalibre .45.

Dinala rin ang suspek sa kustodiya ng CIDG.

Mahaharap ang lahat ng mga suspek sa kasong paglabag sa Section 28 ng RA 10591.

The post 3 arestado sa operasyon ng CIDG vs ilegal na baril sa Nueva Ecija appeared first on Journal News Online.

About admin