LAGUNA— Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang ₱233.2 milyong halaga ng hinihinalang cocaine at naaresto ang dalawang Indian national sa isinagawang buy-bust operation sa Villa de Calamba, Barangay La Mesa, Calamba City, Laguna, madaling araw ng Pebrero 21, 2026.
Batay sa ulat ni PDEA Regional Office–NCR Regional Director Arnold “Derrick” Carreon kay Director General Isagani R. Nerez at Deputy Director General for Operations Renato Gumban, isinagawa ang operasyon bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Pinangunahan ng PDEA RO–NCR Southern District Office ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Regional Office 4A (RO-4A) Laguna Provincial Office, PDEA RO-4A Regional Special Enforcement Team, at Calamba City Police Station.
Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “FiveSix,” 30, negosyante, at “Ali,” 32, kapwa Indian national at negosyante.
Narekober sa operasyon ang dalawang kilo ng hinihinalang cocaine na nakapaloob sa isang brown paper bag na siyang pinagbentahan sa poseur-buyer, at 42 kilo ng hinihinalang cocaine na nakalagay sa isang bukas na karton na kahon na pinaniniwalaang pag-aari ng mga suspek.
Tinatayang umaabot sa humigit-kumulang 44 kilo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang ilegal na droga.
Nakumpiska rin ang buy-bust money, isang brown paper bag na ginamit na lalagyan ng marked money, isang smartphone, at mga pasaporte ng mga suspek.
Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Seksyon 5 (Pagbebenta ng Ilegal na Droga) at Seksyon 11 (Pag-iingat ng Ilegal na Droga), Artikulo II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay isasailalim sa forensic laboratory examination ng PDEA Laboratory Service.
Samantala, pinuri ng mga opisyal ng PDEA ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at muling iginiit ang kanilang patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa buong bansa.
The post ₱233.2M cocaine nasamsam sa Calaba, 2 Indian nat’l huli appeared first on Journal News Online.