




BALAK pang kumuha ng mas maraming skilled Filipino workers ang Australia, ayon kay Senador Raffy T. Tulfo matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Australian Ambassador to the Philippines His Excellency Marc Innes-Brown sa Senado noong Pebrero 18.
Tinalakay nila ang kalagayan ng tinatayang 400,000 Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Australia, karamihan ay nasa larangan ng nursing at iba pang propesyon sa healthcare sector.
Si Tulfo ang chairperson ng Senate Committees on Migrant Workers at Public Services.
Ayon sa kanya, kinilala ng Ambassador ang ambag ng mga Filipino worker sa healthcare at iba pang skilled sectors at nagpahiwatig ng patuloy na pangangailangan ng kanilang bansa sa skilled labor.
Nagpasalamat si Tulfo sa tinawag niyang “excellent treatment” ng Australia sa mga OFW at sinabi na wala siyang natatanggap na ulat ng pang-aabuso o pang-aapi mula sa mga employer doon.
Sinabi rin ng Ambassador na dumarami ang mga Pilipinong kumukuha ng master’s at doctorate scholarship programs sa mga unibersidad sa Australia. Aniya, pinapayagan ang mga iskolar na magtrabaho habang nag-aaral at isama ang kanilang pamilya.
Ibinahagi rin niya ang mga programa ng pamahalaan ng Australia upang magamit agad ng mga Filipino scholar ang kanilang espesyalisadong kaalaman sa pagbalik sa Pilipinas, kabilang ang specialized agricultural courses.
Sa usapin ng defense cooperation, sinabi ng Ambassador na nananatiling prayoridad na partner ang Pilipinas at binanggit ang planong pagpapalawak ng joint military training exercises kasama ang Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Tulfo, nagbigay ang Australia ng mga drone sa Philippine Coast Guard na gagamitin sa maritime patrols at territorial monitoring sa West Philippine Sea.
Binanggit din ng Ambassador ang pagpapalawak ng Australian investments sa infrastructure, edukasyon, kalakalan, renewable energy, at agrikultura na, ayon sa kanya, ay inaasahang lilikha ng humigit-kumulang 45,000 trabaho sa buong bansa.
Sinabi ni Tulfo na magpapatuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Australia upang mapalakas ang ugnayan ng dalawang bansa.
The post Maraming trabaho naghihintay sa mga Filipino sa Australia appeared first on Journal News Online.