MEMORABLE kay Carlo Aquino ang reunion movie nila ni Bela Padilla na “A Special Memory” dahil sa dalawang insidente na nangyari sa set.
Una, ang pagkakaroon niya ng anxiety attack sa eksena kung saan kinailangan niyang sumakay sa isang ride though may fear of heights siya. Pangalawa, nang atakehin siya ng high blood sa isang intense scene kung saan nagbasag siya ng plato.
Kwento ng aktor, “Sobrang na-anxiety ako. Nagagalit ako sa sarili ko. Pumutok ako du’n habang nandu’n na sa ride. Nagalit ngayon si Direk Jerry (Sineneng) na ‘pumayag ka dito, pumayag ka…’
Umalis siya, kinuhanan namin ‘yung scene, nagawa ko, pero hindi ko alam kung nasama dahil mukha akong takot na takot yata du’n.”
Matapos ’yon, hindi na raw siya nag-aksaya pa ng oras at agad niyang nilapitan ni Direk Jerry para mag-sorry.
“Humingi na ako ng dispensa and right there, naging okay kami ni direk. ’Yun (ang) isa sa special ano ko ‘yon, oo. Saka ‘yung eksenang umuulan, gusto ko ‘yon,” saad pa ni Carlo.
Si Bela na ang nagdetalye ng pangyayari kung saan na-pack-up nga raw ang shooting nila dahil na-high blood si Carlo sa “basag plato” scene.
Pagbabalik-tanaw ng aktres, “May eksena kami dito ni Carlo na heavy scene, magbabasag siya ng mga plato. So dahil budget.com po kami dito at one camera lang nu’ng araw na ‘yon, kailangan ko hintayin ’yung kamera na lumipat pa sa’kin at mag-focus.
“So I had to wait for a cue for me to look. Tapos sabi ko, ‘sobrang tagal na, kanina pa nabasag ‘yung plato wala pang nagku-cue sa akin. ano kayang nangyari?’ So pagtingin ko, si Carlo nasa sahig na. Parang muntik siyang mag-pass out or nag-pass out? Na-high blood si Carlo sa eksena,” patuloy ni Bela.
Binuking din niya na kapag wala silang take, ang hilig kainin ng kanyang leading man ay liempo, taba ng baboy at uminom ng kape. Maraming kape.
“Siguro dahil sobrang payat niya, ‘kala niya okay siya. Hindi siya kumakain ng gulay, gusto niya kape, maraming kape. So ‘yun, na-high blood po siya sa set. Nu’ng nagbasag siya ng plato talagang ‘yung BP niya tumaas. Sabi ko ‘ay, pack up na pala kami.’ That’s the most special memory for me,” dagdag pa ni Bela.
Pag-amin ng aktres, kinabahan siya na sa tagal niyang niligawan ang proyekto, baka hindi pa matuloy dahil sa nangyari.
Pero bawi niya, “Hindi, but he took it like a champ. Right after that, they checked his BP; they gave him something to smell, they gave him meds. He wanted to shoot right after, ‘di ba, direk? Ayaw na naming lahat, kasi nag-violet na ‘yung labi niya. Gusto pa niya mag-shooting. Kinakausap ako ni direk sa comms, sabi niya, ‘Bels, ‘nak, sa ibang araw na natin itutuloy, ha.’ ‘Ay, opo, direk, opo.’
So kinalimutan ko na ‘yung eksena, tumigil na ‘kong umiyak. Bigla si Carlo nakita ko sumesenyas, no, direk, one more. Huh?! Bumitaw na ‘ko, hahaha!
“Sobrang galing masyado, sobrang professional, ayaw niyang umuwi. Pero hindi, pinauwi na namin siya. So I think ang daming nangyari sa set na ‘to, health scare, height scares, rain, near-death experiences, but I think this is one of my lightest projects to date,” sey ni Bela.
Bale ang “A Special Memory” ang reunion film nila ni Carlo after “Meet Me in St. Gallen,” na ipinalabas noong 2018. Gaya ng ‘Gallen,’ mapanakit din ang “A Special Memory” na, incidentally, ay Pinoy adaptation ng Japanese series na “Pure Soul.”
Mula sa panulat ng National Artist na si Ricky Lee at direksyon ni Jerry Sineneng, kwento ito ni Sandra (Bela), isang fashion designer na pilit kinakalimutan ang heartbreak mula sa nakaraang relasyon. Habang sinusubukan na muling buuin ang buhay, makikilala niya si Dindo (Carlo), ang foreman sa kumpanya ng kanyang pamilya.
Mula sa isang simpleng koneksyon, unti-unting mabubuo ang pag-iibigan ng dalawa at magdedesisyon sila na magsama sa iisang bahay.
Pero, susubukin sila ng tadhana nang magkaroon si Sandra ng early onset-Alzheimer’s disease. Dahil sa takot na maging pabigat, lalayo siya at ipapasok ang sarili sa isang nursing home.
Nasaktan man, igagalang ito ni Dindo. Mananatiling matatag ang pag-ibig niya. Bibisitahin niya si Sandra at paulit-ulit na ipapakilala ang sarili sa pag-asang kahit saglit ay muli siyang maalala nito.
Makakasama nina Bela at Carlo sa cast sina Lotlot de Leon, Joel Torre, Yayo Aguila, Jaime Fabregas, Phoebe Walker at Paolo Gumabao.
Palabas na ang “A Special Memory” sa mga sinehan nationwide simula March 11 mula sa Viva Films.
The post Carlo na-high blood, nag-violet labi sa set… shooting na-pack-up appeared first on Journal News Online.