Nilinaw ni Bam Aquino na wala siyang planong tumakbo bilang bise presidente sa 2028 elections, kasunod ng mga usap-usapan na maaari umano siyang maging katambal ni Sara Duterte, na naghayag na ng intensyong tumakbo sa pagkapangulo.
Umingay ang espekulasyon matapos ang pahayag ni Aquino na “ideally” ay sa Pilipinas dapat litisin ang mga kasong may kinalaman sa umano’y extrajudicial killings noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa programang “Politiko Nightly,” sinabi ni Barry Gutierrez, dating tagapagsalita ni Leni Robredo, na posibleng estratehiya umano ang naturang pahayag upang makuha ang loob ng Duterte supporters. Gayunman, aniya, magiging makabuluhan lamang ito kung may balak si Aquino na tumakbo bilang bise presidente sa ilalim ng Duterte-led ticket bagamat nananatili umano itong espekulasyon.
Sa pinakahuling pahayag, iginiit ni Aquino na hindi siya tatakbo bilang vice president sa 2028, na tila naglalagay ng tuldok sa mga usap-usapan hinggil sa posibleng tambalan.
Samantala, sinabi ni Risa Hontiveros, Senate Deputy Majority Leader, na ilalabas ng oposisyon ang kanilang mga kandidato bago matapos ang taon o sa unang quarter ng 2027.
Nauna nang nagpahayag si Hontiveros ng pagiging bukas sa posibilidad ng pagtakbo sa pagkapangulo, ngunit iginiit niyang nakadepende ito sa magiging desisyon ng “united opposition.”
The post Bam Aquino, ‘di tatakbong VP sa 2028 appeared first on Journal News Online.