Speaker Dy: Ramadan panahon ng pag-aayuno, pagdarasal, pagninilay

BINATI ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III noong Huwebes ang mga Muslim na Pilipino at ang pandaigdigang komunidad ng mga Muslim sa pagsisimula ng Ramadan, at tinawag ang banal na buwang ito bilang panahon ng disiplina, sakripisyo at pagkakaisa.

“Sa ating mga kapatid na Muslim dito sa Pilipinas at sa buong mundo, isang mapagpalang pagbati sa pagsisimula ng banal na Buwan ng Ramadan,” ani Dy.

Inilarawan ng Speaker mula sa Isabela ang Ramadan bilang isang sagradong panahon ng pag-aayuno, pagdarasal at pagninilay na nagpapatibay ng pananampalataya at nagpapalalim ng malasakit sa kapwa.

“Ang Ramadan ay panahon ng pag-aayuno, taimtim na pagdarasal, at mas malalim na pagninilay. Ito ay paalala ng kahalagahan ng disiplina, sakripisyo, at malasakit sa kapwa,” aniya.

Hinimok ni Dy ang mga Pilipino na gamitin ang panahong ito upang higit pang pagtibayin ang pagkakaisa at kapayapaan sa kanilang mga komunidad.

“Sa diwa ng Ramadan, nawa’y lalo nating pagtibayin ang pagkakaisa, kapayapaan, at malasakit sa ating mga komunidad.”

Sa ngalan ng House of Representatives, nagpahayag si Dy ng pakikiisa sa mga komunidad ng Muslim at nanawagan sa mga lider na maglingkod nang may kababaang-loob at integridad.

“Nawa’y panibaguhin ng panahong ito ang inyong pananampalataya, patatagin ang inyong mga pamilya, at bigyang-inspirasyon tayong lahat na mamuno at maglingkod nang may kababaang-loob, integridad, at matatag na paninindigan para sa kabutihang panlahat. Ramadan Mubarak.”

The post Speaker Dy: Ramadan panahon ng pag-aayuno, pagdarasal, pagninilay appeared first on Journal News Online.

About admin