NAGPAABOT noong Huwebes ng pagbati si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga Pilipinong Muslim sa pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan, at tinawag ito bilang panahon ng pagbabagong-espiritwal at pambansang pagkakaisa.
“Sa pagsisimula ng pinagpalang buwan ng Ramadan, ipinaaabot ko ang aking pinakamainit na pagbati sa ating mga kapatid na Muslim sa buong Pilipinas, lalo na sa Bangsamoro at sa buong Mindanao, habang ginugunita ninyo ang banal na panahong ito ng pag-aayuno, panalangin, at debosyon kay Allah,” ani Romualdez.
Inilarawan ni Romualdez ang Ramadan bilang “isang buwan ng pagbabagong-espiritwal — panahon ng disiplina, kababaang-loob, at malasakit,” at binigyang-diin na sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagsamba, pinatitibay ng mga mananampalataya ang kanilang paninindigan sa katuwiran at paglilingkod.
“Ito ay makapangyarihang paalala na ang pananampalataya ang humuhubog sa pagkatao, at ang pagkatao ang humuhubog sa pamayanan,” aniya.
Binigyang-diin din ng lider ng Kamara mula sa Leyte ang kahalagahan ng paggalang sa isa’t isa sa isang bansang mayaman sa iba’t ibang kultura.
“Ang ating pagkakaiba-iba ay hindi hadlang sa pagkakaisa; ito ang pundasyon ng mas matatag at mas maayos na Pilipinas,” ani Romualdez.
Habang nagsasama-sama ang mga pamilyang Muslim para sa iftar at nagkakaisa ang mga komunidad sa panalangin, ipinahayag ni Romualdez ang pag-asa na magsisilbing inspirasyon ang Ramadan para sa kapayapaan at pagkakaisa.
“Nawa’y magbigay-inspirasyon ang banal na buwang ito ng panibagong pag-asa, mas malalim na pagkakaisa, at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at sa buong bansa,” aniya.
Tinapos niya ang kanyang mensahe sa isang pagbabasbas: “Ramadan Mubarak. Nawa’y tanggapin ni Allah ang inyong mga panalangin at pag-aayuno, at pagpalain ang inyong mga tahanan ng kapayapaan, awa, at kasaganaan.”
The post ROMUALDEZ: RAMADAN PANAHON NG PAGKAKAISA appeared first on Journal News Online.