

BILANG bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang palakasin ang seguridad sa hangganan at pigilan ang pagpasok ng ipinagbabawal na droga, matagumpay na nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), ang dalawang naiwan at inabandonang pakete na naglalaman ng ilegal na droga sa OBC Warehouse, NAIA Complex, Pasay City noong Pebrero 11, 2026.
Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng ₱22,997,600.
Ang mga pakete, na parehong idineklarang CCTV kits, ay isinailalim sa beripikasyon matapos makatanggap ng derogatory information mula sa PDEA. Sa isinagawang pagsusuri sa laboratoryo, nakumpirma ang presensya ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala bilang shabu.
Ang unang pakete, mula sa Malawi, Africa, ay naglalaman ng humigit-kumulang 2,370 gramo ng shabu na may tinatayang halagang ₱16,116,000.
Ang ikalawang pakete, mula sa Johannesburg, South Africa, ay naglalaman ng humigit-kumulang 1,012 gramo ng shabu na may tinatayang halagang ₱6,881,600.
Ang parehong pakete ay pormal na isinuko sa PDEA para sa tamang kustodiya, disposisyon, at karagdagang imbestigasyon. Ang pagkakasabat ay paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may mga pagbabago) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay at matibay na koordinasyon ng mga ahensya, at sinabing: “Ang tuloy-tuloy na pagkakasabat ng ilegal na droga, kahit sa mga naiwan at inabandonang kargamento, ay patunay na nananatiling maagap at alerto ang ating mga enforcement unit. Patuloy naming palalakasin ang pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya upang hindi magamit ang ating mga pantalan bilang daanan ng mapanganib na substansya.”
Sa pinakahuling operasyon na ito, umabot na sa mahigit ₱479 milyon ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasabat ng BOC-NAIA ngayong taon, na nagpapakita ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng Port laban sa drug smuggling sa pamamagitan ng air cargo at courier channels.
Sa pamumuno ni District Collector Atty. Maria Yasmin O. Mapa, lalo pang pinatitibay ng BOC-NAIA ang mga operational controls at inter-agency coordination upang mapanatili ang presyur laban sa mga drug smuggling network na gumagamit ng air cargo at courier routes.
The post P22.9M shabu idineklarang CCTV kits, inabandona sa NAIA appeared first on Journal News Online.