Tunay na pag-uugali ng mga lider ng bansa, suriin muna bago idolohin

KAHIT biro, hindi dapat binabaggit ng mga matataas na pinuno ng pamahalaan ang mga katagang may bahid ng imoralidad, lalu na kung ang mga winiwika ay isinasapubliko at naririnig, maging ng mga bata.

Isang halimbawa rito ang binanggit sa salitang Visaya ni Vice President Sara Duterte nang tanungin kung ano ang Valentine message niya kina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at Palace Spokesperson Usec. Atty. Claire Castro na kung isasalin sa wikang Tagalog ay sana raw ay magkatuluyan silang dalawa.

Nakakatawa, oo, dahil alam naman siguro ng marami na isa itong biro na pang-asar lang ng bise presidente kay Usec, Castro lalu na’t palagi silang nagpapatutsadahan sa iba’t ibang mga isyung bumabalot sa bansa at mga usaping may kinalaman sa pulitika.

Kung isang ordinaryong mamamayan na hindi kontento sa mga ginagawa ng Pangulo at mga sinasabi ng tagapagsalita ng Palasyo para lang mang-inis o magpataas ng views, puwede na sigurong dedmahin.

Pero kung mula sa bibig ng isang mataas na opisyal, lalu na sa pangalawa sa pinakamataas na pinuno ng pamahalaan na isa pa namang babae manggagaling, hindi na ito magandang biro lalu na’t sila pa naman ang dapat na maging ehemplo ng magandang pag-uugali at wastong asal, hindi lang sa kanilang mga ikinikilos, kundi lalu na sa binibitawang salita.

Kung sabagay, bantad na naman ang lahat kung paano magsalita si VP Sara ng mga malulutong na pagmumura na tila minana niya sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya payo nga ng ilang netizen sa kanya, magmumog daw muna ng holy water bago magbitiw ng salita.

Noon kasi, tuwang-tuwa ang marami kapag nagsasalita sa entablado ang dating pangulo na hinahaluan ng pagmumura at kung ano-anong birong kabastusan sa kababaihan.

Pero lalaki kasi ang dating pangulo at kilalang maton sa kanilang lalawigan sa Davao kaya pinapalagpas na lang ito ng marami..

Kaya lang, kung ating pagninilay-nilayin, tanungin natin ang ating sarili kung dapat bang idolohin ang ganitong pag-uugali ng mga lider ng ating bansa?

10-year solid waste plan, inilatag ni Yorme Isko

HINDI tumitigil si Mayor Isko Moreno sa paghahanap ng paraan para maging malinis at maaliwalas ang lahat ng lansangan at kapaligiran ng Maynila kaya niya inilatag ang 10-year Solid Waste Management Plan para sa pangmatagalang solusyon ng problema sa basura.

Kahit kasi nalutas ng alkalde ang iniwang problema sa basura ng nagdaang administrasyon, naniniwala siya na hindi ito ang wakas ng problema lalu na ngayon na mas marami ang basurang nakokolekta at malayo pa ngayon ang kanilang pinagtatapunan.

Katuwang ni Yorme Isko si Director Kenneth Amurao ng Department of Public Service (DPS) sa paglalatag ng pangmatagalang solusyon, kabilang ang pagbubukod-bukod ng nabubulok at hindi nabubulok upang mabawasan ang hinahakot patungo sa landfill sa San Mateo.

Sabi ni Amurao, maglalagay ang lokal na pamahalaan ng materials recovery facilities (MRF) habang ang pribadong kompanya na ka-partner nila ang magre-recyle sa mga makokolektang basura na mapapakinabangan pa.

Kung ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat ng paraan para maging malinis ang kapaligiran, dapat ay tugunan naman ito ng mga residente na karamihan ay ningas-kogon lang sa pagtupad sa kautusan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

The post Tunay na pag-uugali ng mga lider ng bansa, suriin muna bago idolohin appeared first on Journal News Online.

About admin