PULISYA HINAHANAP DRIVER NI MAMAC

TINUTUGIS ng pulisya ang driver sa Angeles City ng babaeng negosyanteng natagpuan ang bangkay na nakabaon malapit sa poso negro ng farm na pag‑aari ng pamilya noong Araw ng mga Puso.

Ayon kay Angeles City Police Office Chief, Colonel Joselito E. Villarosa Jr., ang lalaking tinukoy niya bilang “Manuel/Doc” ang pangunahing “person of interest” sa pagpatay sa kanyang among si Ma. Teresa Mamac.

Si Mamac, 58-anyos, ay biyuda ng dating kapitan ng barangay sa Angeles City na pumanaw noong Agosto ng nakaraang taon.

Iniulat siyang nawawala ng kanyang anak na lalaki noong hapon ng Pebrero 13, ilang oras matapos siyang huling makita sa Angeles City.

Sinabi ni Villarosa na sa pagsisiyasat sa kaso ng “missing person,” nakakita sila ng bakas ng dugo sa garahe ng bahay ng biktima, dahilan upang humingi sila ng tulong mula sa lokal na Forensic Group para iproseso ang lugar.

Nawawala rin ang Toyota Innova ng biktima kasabay ng kanyang pagkawala. Sa pagrepaso ng mga CCTV footage sa lugar, nakitang ang suspek ang huling nagmaneho ng sasakyan. Nakuhanan ng CCTV ang suspek na pumapasok sa bahay ng biktima bandang alas-7:28 ng gabi noong Pebrero 12.

Narinig din sa bahagi ng nirepasong CCTV footage na sumisigaw ang biktima ng “Manuel, Manuel.” Bandang alas-8:40 ng parehong gabi, nakita ang suspek na umaalis sa compound sakay ng Innova.

Bandang alas-5:35 ng hapon noong Araw ng mga Puso, nadiskubre ng pulisya ang isang paa ng tao na nakabaon malapit sa poso negro ng pamilya. Kalaunan ay nahukay ang katawan ng biktima, na napag-alamang namatay dahil sa blunt traumatic injuries.

Sinabi ni Villarosa na si “Doc/Manuel” ay nagsisilbi bilang family driver ng mga Mamac sa loob ng 20 taon na. “He is considered as a primary person of interest since he disappeared before the victim’s body was discovered,” aniya.

“We’re still establishing the motive behind this case. However, the missing Toyota Innova was recovered near the Magalang Municipal Police Plaza in Pampanga two days after the killing. A CCTV footage also showed that the suspect was the one driving the vehicle in the area,” dagdag pa niya.

Ayon kay Villarosa, lumalabas na umabot lamang ng isang oras at 12 minuto ang ginugol ng suspek para patayin ang biktima at ilibing ang bangkay nito.

“Mga 6-feet deep ang pinagbaunan kung saan malambot ang lupa dahil paligid ito ng piggery,” aniya.

The post PULISYA HINAHANAP DRIVER NI MAMAC appeared first on Journal News Online.

About admin