IBA, Zambales — Nagsagawa ng malawakang manhunt ang mga awtoridad matapos makatakas ang isang detainee mula sa Zambales Provincial Jail sa Barangay Palanginan, bayan ng Iba, ayon sa pulisya noong Miyerkules.
Sa ulat na isinumite kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., nadiskubre ng mga jail official ang pagtakas ng detainee na kinilalang si alyas Maglonzo, 38, noong Pebrero 17.
Ayon sa mga tauhan ng kulungan, nakatakas ang detainee matapos biglaang tumakbo at malampasan ang seguridad habang may tinutulungang ibang bilanggo ang isang guwardiya.
Sinabi ni prison guard assistant Arnold Soriano na naganap ang insidente malapit sa Post 2 ng kulungan.
Iniulat ni Soriano na biglang lumabas si Maglonzo sa gate ng Post 2 at dumiretso patungo sa pangunahing gate ng pasilidad hanggang tuluyang makalabas ng compound.
Ayon sa mga awtoridad, isang tawag sa cellphone mula sa Zambales Provincial Jail ang nagbigay-alam sa pulisya tungkol sa pagtakas, na nagbunsod ng agarang pagtugon ng mga awtoridad.
Agad namang nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng pulisya sa Iba sa iba pang law enforcement agencies upang magsagawa ng hot pursuit operations at maglatag ng mga posibleng checkpoint para matunton at madakip ang tumakas na detainee.
Ang tumakas ay tubong Maynila at residente ng Barangay Lipay sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales.
Hindi pa ibinubunyag ng pulisya ang mga kasong kinahaharap ng detainee at hinikayat ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan habang nagpapatuloy ang search operations.
The post Pulis naglunsad ng manhunt sa pumuga mula Zambales jail appeared first on Journal News Online.