May nagagawa ba ang Tieza sa travel tax?

MAKAILANG ulit na ako nabiktima ng palpak na sistema ng Tourism Infrastructures and Enterprise Authority o Tieza.

Iyong paniningil ng travel tax na halagang P1,620 kada pasahero ng mag-abroad na economy class ay hindi nila malagyan ng sistema na mag-reflect sa kanilang data base sa airport kapag nagbayad ka na sa online or via agency.

Dalawa o tatlong beses na ako nabiktima na bayad na ang travel tax ko pero hindi makita sa check in counter ng airlines at hindi rin reflected sa mismong Tieza counter.

Para lang hindi na maabala, nagbabayad na lang ulit ako. Pero pagka-send sa akin ng resibo ng agency na magpapatunay na bayad na ang travel tax, hindi naman nila agad ma-refund!

May bibigay sila sa iyong online site para doon na makipagtransaksiyon for refund. Dahil madalas wala nang time or hindi mo na maasikaso, nalusaw na ang pagkakadoble ng bayad mo.

Kung P1,620 ang economy class, ang travel tax pala ng business at first class ay nasa P2,700 kada biyahe.

In fairness naman kay Tieza Chief Operating Officer Mark Lapid, dinatnan na niya ang ganyang sistema. Pero sana, bago man lang siya mapalitan, makapag-iwan siya ng maayos na proseso sa travel taxation, lalo na’t may panukala na para sa abolisyon nito.

At siya nga pala Boss Mark, baka naman puwede kayong maglabas ng listahan ng mga nagawa ng Tieza na ang ginamit ay pondong nakulekta mula sa travel tax ng ating mga kababayan?

Sa totoo lang, hindi alam ng publiko kung ano ang pinagkakagastusan ng Tieza mula sa buwis na ito kaya marami talagang nananawagan na tanggalin na ang travel tax na tayo lang pala sa Asya ang may ganitong paraan ng pagbubuwis.

Kaya nga importanteng malaman ng ating mga kababayan kung sulit ba ang kanilang buwis dahil kung pagbabatayan natin ang mga naging accomplishments ng Tieza sa mga nakarang dekada na binubuwisan sila tuwing aalis, mukhang walang pinupuntahan ang pera.

Teka nga, kung wala namang nagagawa ang Tieza sa ating mga ibinabayad na buwis, baka dapat ang mismong opisina na ang buwagin huwag lang ang travel tax?

allanpunglo@gmail.com

The post May nagagawa ba ang Tieza sa travel tax? appeared first on Journal News Online.

About admin