
SAN SIMON, Pampanga — Umaabot sa mahigit P70 milyon halaga ng hinihinalang smuggled at iligal na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang joint operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang bodega sa bayang ito.
Ayon kay CIDG RFU3 chief Col. Grant Gollod, isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Oplan Megashopper noong Pebrero 16 at Pebrero 17 sa isang warehouse na matatagpuan sa Block 10, Lot 9, Golden Sun 999 Business Park, Barangay San Pablo Libutad.
Pinangunahan ang operasyon ng CIDG Regional Field Unit 3 (RFU3) kasama ang CIDG Pampanga Provincial Field Unit, Regional Special Operations Group ng Police Regional Office 3, at San Simon Municipal Police Station, sa koordinasyon ng BIR Revenue Region 4 at Regional Investigation Division.
Ayon kay Col. Gollod, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y imbakan, distribusyon, at paggawa ng iligal na sigarilyo sa naturang lugar.
Ang tip umano ay nagmula matapos mapanood ng impormante ang isang press conference kaugnay ng naunang raid laban sa iligal na sigarilyo sa Pampanga.
Agad na nagsagawa ng validation ang mga operatiba at sa pamamagitan ng salamin ng warehouse ay nakita umano ang mga kahon ng sigarilyong may tatak na “Modern” at “HP,” na pinaniniwalaang walang kaukulang buwis.
Dahil dito, nakipag-ugnayan ang CIDG sa BIR, na nagresulta sa pagsasagawa ng joint operation.
Sa operasyon, nadiskubre at nakumpiska ang kabuuang 533 master cases ng Modern Green cigarettes, 455 master cases ng Modern Red cigarettes, 13 master cases ng HP Red cigarettes, isang master case ng Delta cigarettes, 35 reams ng New Orleans cigarettes, 25 reams ng Delta cigarettes, pitong pakete ng Nelson cigarettes, 45 reams ng HP cigarettes, 76 na pakete ng Delta cigarettes, dalawang pakete ng New Orleans cigarettes, at iba’t ibang hilaw na materyales ng tabako.
Tinatayang may kabuuang market value na P70,140,000 ang mga nasamsam na produkto.
Sa beripikasyon ng barangay, lumabas na walang business permit ang naturang warehouse.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga awtoridad sa lokal na pamahalaan at administrasyon ng Golden Sun 999 Business Park upang matukoy ang may-ari o umuupa sa bodega na posibleng responsable sa operasyon.
Sa ngayon, wala pang natutukoy na suspek, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga sangkot sa ilegal na aktibidad.
Pansamantalang isinailalim sa mahigpit na seguridad ang mga nakumpiskang sigarilyo sa loob ng warehouse bago ilipat sa pasilidad na itatalaga ng Japan Tobacco International (JTI) para sa safekeeping.
The post P70M iligal na sigarilyo nasamsam sa raid sa Pampanga warehouse appeared first on Journal News Online.