PATULOY ang malawakang kampanya laban sa mga bus at public utility vehicle (PUV) terminals na may sira at kulang na pasilidad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II.
Base sa data hanggang Pebrero 16, umabot na sa 243 bus at PUV terminals ang na-inspeksyon upang tiyakin na ang mga terminal managers at operators ay sumusunod sa mga rekisito ng pamahalaan para sa maayos at komportableng serbisyo sa mga pasahero.
Mula sa kabuuang bilang, 116 terminals ang binigyan ng show cause order (SCO) at notice to comply dahil sa iba’t-ibang paglabag.
Ang mga pinaka-common violations ang kakulangan ng pasilidad upang masilungan ang mga pasahero, mga sirang comfort rooms, masisikip na espasyo na nagdudulot ng panganib at discomfort, kakulangan sa seguridad at hindi maayos na access para sa senior citizens at persons with disabilities.
“Hindi kami magdadalawang-isip na ipasara ang operasyon ng mga terminal managers.
Malinaw ang kasunduan: pinapayagan silang mag-operate ng terminal basta’t mayroong mga pangunahing pasilidad para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero,” sabi ni Mendoza.
Binigyang-diin ni Mendoza na tutugunan ng LTFRB ang maling pamamalakad ng ilang terminal managers at operators alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga Filipino commuters.
Patuloy din ang random at surprise inspections ng mga regional offices ng LTFRB upang masiguro ang pagsunod ng mga terminal sa itinakdang pamantayan.
Pinakamaraming terminal na na-inspeksyon sa Metro Manila (40), sinundan ng Central Luzon at Northern Mindanao (30 bawat isa) at Calabarzon (27).
The post Kampanya vs PUVs, bus terminals na sira/kulang sa facilities tuloy–LTFRB appeared first on Journal News Online.