PNP binira ni Sen. Win sa kabiguang malansag illegal gambling sites

BINATIKOS ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian ang Philippine National Police (PNP) dahil sa kabiguan nitong lansagin ang mga ilegal na site ng sugal, lalo na ang e-sabong, sa kabila ng malaking intelligence funds ng ahensya.

“Sa laki ng budget na binibigay natin para sa intelligence funds at cybercrime prevention, bakit ‘yung simpleng e-sabong na ilegal na sa ating bansa ay laganap pa rin?” tanong ni Gatchalian.

Ang PNP ay binigyan ng intelligence budget na P1.195 bilyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.

Binigyang-diin ni Gatchalian na sa kabila ng paglalaan ng malaking pondo para sa intelligence, patuloy na nagpapatakbo nang walang takot ang mga ilegal na online gambling site.

Binanggit ng senador ang kaso ng isang e-sabong website na SW418.com. Sinabi rin niya na ang mga online gambling site, kabilang ang Wil-Network, World Platinum Technologies at Gotech Entertainment, ay patuloy sa operasyon kahit hindi sumusunod sa mga regulasyong itinakda ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Iginiit ng senador na walang anumang laki ng kita ang makapagtatama sa pinsalang panlipunan na dulot ng adiksyon sa sugal. Ang kita mula sa e-gaming ay tumaas ng 44.5% mula 2018 hanggang 2024.

“Malaki nga ang kita ng gobyerno, pero hindi natin pwedeng isakripisyo ang kapakanan at moralidad ng ating mga kababayan. Kung sila ay nalululong sa sugal, ‘yan ay problema ng buong lipunan,” diin ng senador.

The post PNP binira ni Sen. Win sa kabiguang malansag illegal gambling sites appeared first on Journal News Online.

About admin