Malabon LGU magtatayo ng 6- palapag na extension bldg. ng Ospital ng Malabon

MAGTATAYO ng karugtong na gusali ng Ospital ng Malabon (OsMal) ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon bilang pagtupad sa pangakong itaas ang antas ng serbisyong medikal na madaling puntahan ng mamamayan.

Sa ginanap na groundbreaking ceremony Biyernes ng umaga na pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval, sinabi niya na ang pagtatayo ng extension ng OsMal ay makakatulong sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan ng serbisyong medikal sa lungsod.

“Dito, madadagdagan ang bed capacity ng ospital at magkakaroon ng mga bagong pasilidad na magbibigay ng dekalidad na serbisyo para sa mga nangangailangan nating kababayan. Ito ay bahagi ng ating mga layunin para sa mas ligtas, mas malusog, mas maganda, at mas maunlad na Malabon sa hinaharap,” pahayag ni Mayor Sandoval.

Ipinaliwanag ng alkalde na ang anim na palapag na itatayong gusali na kabilang sa kanyang layunin na magkaloob ng libreng serbisyo ang OsMal ay magsisilbing tulay tungo sa pagiging Level 2 Hospital na accredited ng Department of Health (DOH).

Sa oras na matapos ang gusali, makakapagtatag na ng mga pasilidad para sa kritikal na pangangalaga ang OsMal tulad ng Intensive Care Unit (ICU), Neonatal Intensive Care Unit (NICU), at mga pangunahing teknolohiyang medikal tulad ng high-tier imaging at tertiary laboratory services, modernong pasilidad tulad ng Dental Services, Rehabilitation Center, CT Scan Facility, at Major and Minor Surgery Operating Rooms.

Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina First Gentleman Cong. Ricky Sandoval, City Administrator Dr. Alexander Rosete, mga kinatawan ng DOH, Philippine Red Cross Malabon Chapter, Philippine Medical Association Malabon-Navotas Medical Society, San Lorenzo Ruiz General Hospital, Malabon Hospital and Medical Center, at mga staff ng OsMal.

The post Malabon LGU magtatayo ng 6- palapag na extension bldg. ng Ospital ng Malabon appeared first on Journal News Online.

About admin