

ALINSUNOD sa pinaigting na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa mas mahigpit na pagbabantay sa hangganan laban sa smuggling at ilegal na droga, nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang isang banyagang pasahero na may dalang hinihinalang ilegal na droga sa Arrival Area ng NAIA Terminal 3 noong Pebrero 13, 2026.
Ang pasahero, isang German national na dumating mula sa connecting flight galing Addis Ababa, ay na-flag matapos makita ng X-ray Inspection Project (XIP) ang kahina-hinalang imahe sa karaniwang non-intrusive baggage screening.
Dahil sa alerto mula XIP, nagsagawa ng 100% physical examination ang mga Customs examiner at natuklasan ang puting kristal na substansiya na nakatago sa pekeng compartment ng lining ng bagahe at sa loob ng dalawang Bibliya na binutasan, balot ng plastik at duct tape.
Ang nakumpiskang substansiya ay tumitimbang ng humigit-kumulang 8,145 gramo na may tinatayang standard value na ₱55,386,000. Nagbigay ng positibong indikasyon para sa Methamphetamine Hydrochloride, o shabu, ang isinagawang K9 sweep at field testing.
Ang operasyon ay isinagawa ng BOC-NAIA katuwang ang Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ang pasahero at ang nakumpiskang droga ay itinurn-over sa PDEA para sa imbestigasyon at inquest proceedings kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 at Republic Act No. 10863.
Binanggit ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ang pagkakasabat ay patunay ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mahigpit na pagbabantay sa lahat ng pantalan ng bansa.
“Pinaigting namin ang kontrol gamit ang teknolohiya, intelihensiya, at koordinasyon sa iba’t ibang ahensya. Malinaw ang aming mensahe—ang anumang pagtatangkang magpasok ng ilegal na droga sa bansa ay matutuklasan, masasabatan, at uusigin.”
Binigyang-diin naman ni NAIA District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa ang mahalagang papel ng teknolohiya sa frontline enforcement, at sinabing ang matagumpay na pagkakasabat ay nagpapakita ng bisa ng XIP at ng layered examination process ng Bureau sa pagtuklas ng nakatagong kontrabando at sa mabilis na pagpapatupad ng aksyon.
The post GERMAN NAT’L HULI SA NAIA DAHIL SA SHABU SA BIBLIYA appeared first on Journal News Online.