DUMULOG ang isang babaeng ginahasa umano noong 16-anyos pa lamang ito sa Citizens Crime Watch (CCW) dahil sa umano’y “cover-up” kaugnay ng paunang imbestigasyon sa kanyang kaso.
Sa sulat-kamay na ipinadala kay CCW president Diego Magpantay, sinabi ni “Grace,” na ngayon ay 21-anyos na, na tila umano may espesyal na trato ang respondent sa kanyang kaso.
Aniya, ang respondent ay state witness sa isang high-profile case kung kaya’t inakusahan din niya ito na nakakatanggap ng espesyal ng trato.
Mas tumitindi pa ang isyu, ayon sa abogado ng biktima na si Atty. Glessa Janolino, dahil umano “hindi nagbibigay ng kumpiyansa na patas ang pagtrato sa kaso.”
Dagdag pa niya, pakiramdam umano ng kanyang kliyente, muli siyang “binibiktima” ng sistema.
Lumilitaw ang seryosong tanong: May espesyal bang pagtrato kapag mahalagang testigo ang akusado? Kung totoo ang alegasyon, mas mabigat ito kaysa sa mismong kaso dahil hindi lamang hustisya ng isang biktima ang nakataya, kundi ang kredibilidad ng sistema ng hustisya mismo.
Kapag ang isang rape victim nagsasabing pakiramdam niya’y muli siyang binibiktima ng proseso, malinaw na may problema sa paraan ng paghawak ng kaso. Hindi dapat pumapabor ang hustisya sa sinumang may “halaga” sa estado.
Samantala, tiniyak naman ni CCW chairperson na si Ferdinand Topacio na hindi nila pababayaan ang biktima.
“Buong-buo ang suporta namin sa kanya, legal, moral, at kahit personal counseling kung kinakailangan,” ani Topacio.
Sa gitna ng mabigat na paratang, nananawagan ngayon ang biktima ng patas at transparent na imbestigasyon, iginiit nito na walang sinuman, gaano man kakilala o kaimpluwensya, ang dapat umanong manaig sa hustisya.
The post RAPE VICTIM SUPORTADO NG CCW appeared first on Journal News Online.