MULING giniit ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III noong Huwebes ang kanyang pangako sa bukas at tapat na pakikipag-ugnayan sa publiko habang sinimulan ng House of Representatives ang mga konsultasyon sa buong bansa hinggil sa panukalang Anti-Political Dynasty Act, na naglalayong makuha ang malawak na opinyon ng mamamayan sa matagal nang nakabinbing reporma.
Sa isang video message, sinabi ng lider ng Kamara na ang proseso ng konsultasyon ay sumasalamin sa pangako ng kapulungan na hubugin ang mahahalaga at sensitibong mga batas sa pamamagitan ng malinaw at taos-pusong pakikipag-usap sa sambayanang Pilipino.
“Ang mga konsultasyong ito ay bahagi ng paninindigan ng Kapulungan ng mga Kinatawan na ang mahahalagang batas ay dapat binabalangkas sa pamamagitan ng bukas at tapat na pag-uusap,” ani Dy.
Idinaos ang unang konsultasyon sa Carsigma Gym sa kahabaan ng Sugar Road sa Carmona City at pinangunahan ito ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, Chair ng House Committee on Electoral Reforms and Suffrage.
Nakatuon ang konsultasyon sa ilang nakabinbing panukala laban sa political dynasty, kabilang ang House Bill No. 6771 na inihain ni Dy kasama si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.
Layunin ng panukalang batas na ipatupad ang probisyon ng 1987 Konstitusyon hinggil sa political dynasties sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga ipinagbabawal na ugnayang pampamilya at pagtatakda ng limitasyon sa paghawak ng mga halal na posisyon.
Ayon kay Dy, tinutugunan ng panukala ang matagal nang panawagan ng publiko para sa reporma, at binigyang-diin na dekada nang hindi nareresolba ang isyu ng political dynasties.
“Sa usapin ng panukalang batas hinggil sa political dynasty, malinaw po na matagal na itong hinihintay ng sambayanang Pilipino,” aniya.
Kinilala ng Speaker mula sa Isabela na may iba’t iba at minsan ay magkasalungat na pananaw hinggil sa isyu, at iginiit na layunin ng mga konsultasyon na makuha ang saloobin ng publiko.
“Alam po namin na kasama ng isyung ito ang iba’t ibang pananaw, karanasan, at saloobin. Kaya’t hindi po kami narito upang magtakda ng pasya; narito kami upang makinig,” ani Dy.
Sinabi niya na bubuksan ng Kamara ang talakayan sa mga tinig mula sa lahat ng rehiyon ng bansa.
“Bukas ang Kapulungan sa lahat ng tinig—mula Luzon, Visayas, at Mindanao—sa mga sumusuporta, sa mga may pangamba, at sa mga nagnanais ng masusing pag-unawa sa panukalang ito.”
Binigyang-diin ni Dy na seryoso ang Kamara sa pagsusulong ng panukala at sinabi na ang lakas nito ay nakasalalay sa tunay na pakikilahok ng publiko.
“Ang malinaw po: seryoso ang Kapulungan na isulong at ipasa ang isang makatarungan, makabuluhan, at makataong Anti-Political Dynasty Bill. Gayunman, naninindigan kami na mas magiging matatag ang batas kung ito’y dadaan sa totoo at malawak na konsultasyon sa mga mamamayan,” aniya.
Hinimok niya ang mga kalahok na panatilihing magalang at makabuluhan ang mga talakayan.
“Sa mga darating na pag-uusap, aming hinihiling na maging bukas, mahinahon, at magalang ang ating talakayan. Makinig tayo sa isa’t isa. Unawain natin ang iba’t ibang pananaw. At sama-sama nating buuin ang batas na tunay na sumasalamin sa tinig at mithiin ng taumbayan,” ani Dy.
Tiniyak ni Dy sa publiko na kikilos ang Kamara batay sa mga pananaw na makakalap mula sa mga konsultasyon.
“Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay handang makinig, handang maglingkod, at handang kumilos para sa ikabubuti ng ating bayan,” aniya.
Inaasahan ang karagdagang mga konsultasyon sa iba’t ibang panig ng bansa habang patuloy na kumukuha ng opinyon ang Kamara bago ipagpatuloy ang pagdinig sa komite.
The post Speaker Dy isinusulong bukas, tapat na konsultasyon sa Anti-Political Dynasty Bill appeared first on Journal News Online.