Senado hinikayat na busisiin Epstein files

NAGHAIN si Senadora Loren Legarda ng Senate Resolution No. 300 na humihikayat sa Senado na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa “Epstein files,” dahil sa pangambang maaaring nagamit ang Pilipinas sa umano’y digital cover-up operations at upang maprotektahan ang kabataang Pilipino laban sa pagsasamantala.

“Hindi dapat mailantad ang ating mga anak sa mga network ng pagsasamantala, saan man ito nagaganap. Ipinapakita ng Epstein files ang nakababahalang operasyon sa buong mundo, at tungkulin nating tiyakin na ang Pilipinas ay hindi nagiging plataporma ng pagtatakip o pang-aabuso,” ani Legarda.

Si Jeffrey Epstein, isang Amerikanong financier na nahatulang may kasong seksuwal, ay inakusahan ng pagpapatakbo ng pandaigdigang trafficking network. Inaresto siya noong 2019 sa kasong federal sex trafficking at namatay habang nakapiit sa New York.

Ayon sa resolusyon ni Legarda, ang “Epstein files,” na inilabas ng U.S. Department of Justice, ay naglalaman ng mga rekord gaya ng deposition, testimonya, email, at iba pang komunikasyon na iniuugnay sa operasyon ni Epstein. Binanggit sa resolusyon ang detalye na noong 2010 ay kumuha umano si Epstein ng grupong nakabase sa Pilipinas upang manipulahin ang resulta ng online search at itago ang mga online na sanggunian sa kanyang criminal record.

Nanawagan ang resolusyon na tiyakin ng mga ahensya ng gobyerno na ang mga institusyon at digital platforms sa Pilipinas ay hindi nagagamit upang magkubli o magpahintulot ng krimen, at binanggit ang State policy sa proteksyon ng kabataan sa ilalim ng Article II, Section 13 ng Konstitusyon. Binanggit din ang obligasyon ng Pilipinas sa UN Convention on the Rights of the Child, ang Optional Protocol, at ang ASEAN Declaration on the Prevention of Online Exploitation and Abuse of Children, pati ang mga batas gaya ng RA 11930 (Anti-OSAEC at Anti-CSAEM Act), RA 9775 (Anti-Child Pornography Act), at RA 9208 na inamyendahan ng RA 10364 at RA 11862, o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.

“Malinaw ang mga batas: krimen ang trafficking, child pornography, at pagtatakip sa pagsasamantala. Kung may Pilipinong indibidwal o entidad na sangkot sa digital cover-up operations ni Epstein, dapat itong imbestigahan nang lubusan at papanagutin ang sinumang sumisira sa ating proteksyon,” ani Legarda.

Inaatasan ng resolusyon ang National Bureau of Investigation, Department of Justice, Department of Social Welfare and Development, at Department of Information and Communications Technology na magsiyasat sa posibleng pagtatakip at manipulasyon ng mga facts. Inaatasan din ang Inter-Agency Council Against Trafficking at Inter-Agency Council Against Child

Pornography na suriin ang regulasyon sa internet intermediaries at reputation-management services, habang ang Department of Foreign Affairs ay inaatasang makipag-ugnayan sa Estados Unidos at iba pang hurisdiksyon upang makakuha ng authenticated na impormasyon.

Ipinag-utos din na magsumite ang mga ahensyang ito ng consolidated report sa Senado sa loob ng 90 araw, kabilang ang verified findings kung may Pilipinong indibidwal o entidad na dapat pang imbestigahan, ang kalikasan ng anumang natukoy na pagkakasangkot o pagkakalantad, mga posibleng pananagutan sa ilalim ng batas, at mga rekomendasyon para sa mga hakbang na lehislatibo o regulasyon.

“Dapat nating palakasin ang ating mga pananggalang upang maprotektahan ang mga biktima at matiyak na ang Pilipinas ay hindi nagiging sentro ng pagtatakip. Ito ay usapin ng pananagutan, pag-iwas, at pagsunod sa ating obligasyon sa karapatang pantao,” ani Legarda.

Ayon kay Legarda, layunin ng Senado na matukoy ang lawak ng anumang pagkakasangkot, matukoy ang mga kakulangan sa polisiya, at matiyak na mananatiling ligtas at may pananagutan ang digital na kapaligiran sa Pilipinas.

The post Senado hinikayat na busisiin Epstein files appeared first on Journal News Online.

About admin