Naggitgitan sa highway inisyuhan ng LTO ng SCO

NAG-ISYU ang Land Transportation Office ng dalawang Show Cause Order (SCO)kaugnay ng viral na insidente ng banggaan ng isang SUV at isang motorsiklo.

Ayon sa video, makikita ang motorsiklo na nakadikit sa isang truck habang ang SUV naman ay pasalubong na nasa kabilang lane at nadikitan ang motorsiklo. Ang SUV ay nagpatuloy pa rin sa pag-andar kahit ang motorsiklo ay naipit na sa pagitan ng truck at suv.

Batay sa mga SCO, inaatasan ang may-ari at driver ng SUV at motorsiklo na dumalo sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division at magsumite ng verified comments o paliwanag kung bakit hindi dapat kasuhan ang driver ng SUV ng reckless driving, improper person to operate a motor vehicle, at driver ng motorsiklo ng kasong reckless driving, driving against traffic, obstruction of traffic at improper person to operate a motor vehicle.

Habang patuloy ang imbestigasyon, ang lisensya ng parehong driver ay suspendido ng 90 araw at ang kanilang mga sasakyan ay inilalagay sa alarm status. Kapag hindi sila dumating sa takdang pagdinig, eto ay maliwanag na pagbabalewala sa kanilang karapatan na madinig ang kanilang panig at ang kanilang mga kaso ay pagpapasiyahan ayon sa mga ebidensyang hawak ng ahensya.

Sa mensahe ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao: “Ang insidenteng ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagiging maingat at pagpapanatili ng mga batas trapiko para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada. Hindi titigil ang LTO sa pagbibigay leksyon at parusa sa mga motoristang pasaway na lumalabag sa mga batas trapiko.”

The post Naggitgitan sa highway inisyuhan ng LTO ng SCO appeared first on Journal News Online.

About admin