GRADUATING STUDENT PATAY SA SAKSAK NG MGA HOLDAPER

Student1Student2Student3Student4

Student5
Source Kuya Tom FB

NAGLAHO ang pangarap ng 20-anyos na graduating student nang mapatay sa saksak ng hindi pa kilalang mga holdaper nito lang Linggo ng madaling araw, Pebrero 8, 2026, sa Rodriguez, Rizal.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, pauwi na galing sa pagta-trabaho ang biktimang si Jade Kirby Barona, residente ng 689 Waterhole Litex Road Commonwealth, Quezon City, kasama ang babaeng ka-trabaho sa isang fast food chain nang tangkaing holdapin ng hindi pa kilalang mga salarin.

Nakuhanan pa ng CCTV ang dalawa na naglalakad sa Pamantasan Road, Kasiglahan Village Area 6, Brgy. San Jose dakong ala-1:30 ng madaling araw matapos umanong ibaba sa isang madilim na lugar ng tricycle driver na una nilang sinakyan.

Sa pahayag ng kasamang babae ng biktima sa pulisya, habang naglalakad ay nakita sila ng tatlong suspek na noon ay may kinukumpuning motorsiklo sa gilid ng kalsada at nanghiram pa ang mga ito ng flashlight sa nasawi.

Ilang saglit lang, nagpasiya ng umalis ang dalawa subalit sinundan sila ng dalawa sa mga suspek at hinablot ng isa ang dalang bag ng dalaga subalit nakipag-agawan sila hanggang magawang makatakas.

Gayunman, napuna ng dalaga na may tama ng saksak sa dibdib ang biktima kaya’t humingi siya ng tulong sa nagdaraang tricycle na nagsugod kay Barona sa Infirmary Hospital subalit inilipat sa Ynares Medical Center kung saan siya idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation at back tracking sa kuha ng mga CCTV ang Rodriguez Municipal Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na pawang nakasuot ng hoodie jacket na kulay puti, gray, at itim.

Napagalaman na nakatakda ng magtapos sa kursong Hospitality Management ang biktima sa Mayo 6 na una ring pinangarap na maging seaman upang masuportahan ang kanyang ama.

Sa pahayag naman ni Rizal Police Provincial Office Director P/Col. Eleazar Ruga Barber, Jr., mayroon na aniyang person of interest ang mga imbestigador at tiniyak sa pamilya ng biktima na maibibigay sa kanila ang hinihinging hustisya sa pagkamatay ng estudyante.

The post GRADUATING STUDENT PATAY SA SAKSAK NG MGA HOLDAPER appeared first on Journal News Online.

About admin