IGINIIT ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi humina ang draft resolution, kasabay ng paglilinaw na ang mga binagong salita sa ulat ng Senate Blue Ribbon Committee ay hindi nakaapekto sa mga rekomendasyon nito at ginawa lamang upang maiwasan ang maling pagkaunawa ng publiko.
Sinabi ni Lacson, chair ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, na patuloy na inirerekomenda ng ulat na dumaan ang mga kasong saklaw nito sa tamang proseso ng batas, kabilang ang preliminary investigation.
“Kailangan mag-undergo ito ng preliminary investigation. Ang mga changes are generic lang. We never deviated sa mga kasong ito tulad ng plunder and graft, gaya ng direct bribery, malversation of public funds, violation of anti-graft, violation of ethical standards at marami pa ‘yan. Na-specify ito pero hindi ito humina,” ani Lacson.
Ipinaliwanag niya na iniwasan ng komite ang paggamit ng salitang “charged” dahil sa karaniwang kahulugan nito sa publiko. “Yung word na charged parang nasa korte, so nag-suggest ang iba sa majority na baka puwedeng i-soften ang language pero hindi ma-sacrifice ang tunay na intent,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Lacson na nanatiling hindi nagbabago ang nilalaman ng ulat at ang mga rebisyon ay ginawa lamang upang linawin na hindi maaaring magsampa ng kaso sa korte ang Senado, isang kapangyarihang nakalaan sa Department of Justice at Office of the Ombudsman.
Sinabi rin niya na may mga bahagi ng deliberasyon ng komite na isinagawa sa executive session dahil may mga impormasyong classified na ginamit para sa validation kasama ang mga kinauukulang ahensiya.
Ayon sa senador, pinapinalisa pa ang draft report at hindi pa ito opisyal na pampublikong dokumento, ngunit kapag naaprubahan ay awtomatiko itong magiging bahagi ng public record. Tiwala rin siya na makakakuha ang ulat ng sapat na pirma mula sa mayorya upang maiulat ito sa plenaryo, bagaman nananatili ang mga tanong sa proseso kung kinakailangan ang pirma ng minorya.
The post SALITA SA DRAFT BINAGO, INTENT DI NASAKRIPISYO appeared first on Journal News Online.