NILAMON ng apoy ang 30 kabahayan at tatlong gusaling pang-komersiyo sa sunog na naganap Miyerkules ng umaga sa Caloocan City.
Dakong alas-5:26 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa bahay na pagmamay-ari ng isang alyas Felipe sa kanto ng Baltazar St. at C3 Road, Brgy. 49 na mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Maging ang tatlong gusaling pang-komersiyo ay nadamay sa sunog na umabot lamang sa unang alarma matapos makapagresponde kaagad ang mga bumbero kaya’t idineklarang kontrolado alas-6:48 ng umaga.
Dinala naman sa barangay si alyas Felipe matapos inguso ng kanyang isang tauhan na nagsindi umano ng kandila na posibleng pinagmulan ng sunog.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog at inaalam pa ng mga arson investigators kung magkano ang halaga ng natupok na ar-arian.
The post Kandila hinihinalang dahilan ng sunog sa Caloocan, 30 bahay naabo appeared first on Journal News Online.