Nagbentang muli ng acting trophy ang dating child star na si Jiro Manio sa memorabilia collector na si Boss Toyo.
Matatandaan na two years ago nang unang ibenta ni Jiro kay Boss Toyo ang kanyang Gawad Urian Best Actor trophy sa halagang P75,000.
Napanalunan ng aktor ang naturang award noong 2004 sa edad na 12 para sa natatanging performance niya sa pelikulang “Magnifico” na ipinalabas noong 2003.
Sa episode ng “Pinoy Pawnstars” YouTube channel ni Boss Toyo na may titulong “PP Stars Inc. S2 Ep.60 – Ang Follow up ni Jiro Manio!!” ay muling nagtungo ang former child actor kay Boss Toyo para ibenta naman ang kauna-unahan niyang Best Child Actor trophy para sa pelikulang “Bagong Buwan.”
Aniya ay napakahalaga ng first-ever Best Child Actor award dahil bukod sa pagkapanalo niya sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ay nakasama rin niya sa movie sina Cesar Montano at Carlo Aquino.
“Trademark ito ng movie namin nu’ng 2002, ng pelikulang Bagong Buwan. Tungkol sa Muslim at sa Kristiyano. Naggiyera ng 2002.
“Bata pa ako nito, eight years old. Kasi ‘yung sa Magnifico, nasa history yan na nanalo ako ng Best Actor, pinakabata. Pero ito ‘yung pinakatumatak sa mga tao kasi pinakaunang award ko kasi ito,” sabi niya kay Boss Toyo.
Unang presyo na ibinigay ni Jiro para sa naturang trophy ay P500,000.
“Kasi Boss, sa totoo lang, ay hindi naman lingid sa kaalaman ng iba, ang tagal kong nawala sa showbiz, ‘di ba?
“Aminin ko na, naghirap din ako. Nawalan ako ng income, nawalan ako ng business, nawalan ako ng mga contact.
“So hanggang ngayon bumabawi ako sa recovery ko. Hirap na hirap ako. Guesting tinatanggap ko kahit na magkano, magka-project lang ako,” lahad ni Jiro.
Kasunod nito ay nagkatawaran at nagkasara sila sa halagang P75,000.
The post Jiro nagbenta muli ng award kay Boss Toyo appeared first on Journal News Online.