Himok sa DOJ, Ombudsman
IGINIIT ni Senador Erwin T. Tulfo sa mga opisyal ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman na huwag basta-basta maglabas ng warrants of arrest kung hindi pa buo at matibay ang ebidensyang hawak laban sa tatlong mambabatas na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa isang ambush interview noong Pebrero 9, kinumpirma ni Tulfo na kasama sa naganap na konsultasyon sina kinatawan ng Ombudsman, Anti-Money Laundering Council (AMLC), DOJ, at Prosecutor General Benedicto Malcontento Fadullon.
Dumalo rin sa pulong sina Senador Sherwin Gatchalian, Panfilo Lacson, Loren Legarda, at Senate President Vicente Sotto III.
“Well, nag-exchange lang ng notes and ideas,” ani Tulfo. Nilinaw niyang hindi pormal na pagdinig iyon at hindi rin kumpleto ang mga miyembro ng komite. “It’s like a consultation… pinopolish na lang yung committee report kasi draft lang yung una.”
Layunin ng pagpupulong na pag-isahin ang pananaw ng mga kasangkot kaugnay sa nilalaman ng ulat, at kung sapat na ba ang ebidensyang hawak. Ayon kay Tulfo, wala ring dumalong miyembro mula sa minority bloc.
Aniya, “Do we have an airtight case? Kasi sayang, kung hindi naman, what are we talking about here?” Tugon umano ng DOJ: “Hindi naman ho kami maglalabas ng mga warrants of arrest kung wala ho kaming matibay [na ebidensya].”
Nagbabala si Tulfo laban sa posibilidad na maulit ang kaso ni Janet Napoles: “This is like a déjà vu… file tayo nang file ng case, tapos wala naman pala nangyari. Dismissed din. Nagsasayang tayo.
Nagsasayang ang oras ng DOJ, Ombudsman, ang Senate.”
Binanggit din umano ni Senador Loren Legarda na dapat iwasan ang “trial by publicity” lalo na kung hindi matibay ang ebidensyang hawak.
Bagamat walang direktang sinabi ang DOJ o Ombudsman tungkol sa status ng mga warrant, sinabi ni Tulfo: “Parang ang basa ko ngayon, hindi sila kaagad makalabas ng warrant of arrest because meron silang binubuo pa.” Ngunit nilinaw niyang ito ay sariling palagay lamang: “They didn’t say that. Ako nagtanong, nag-raise noon. That was my conclusion.”
Pagdating naman sa draft ng committee report, inamin ng senador na hindi pa niya ito nababasa: “Honestly, hindi ko pa talaga nakita.” Tinatayang nasa 400 pahina ang kabuuang dokumento.
Dagdag niya, hati rin ang saloobin ng ibang senador ukol dito: “May iba na hesitant… may kulang, parang malamya.” May ilan din aniyang nagsabing matapang ang wika ng report, habang ang iba’y duda sa bigat ng nilalaman.
Hindi pa tiyak kung makakamit ang kinakailangang 11 pirma upang maihain ang ulat sa plenaryo, lalo’t abala na ang Senado sa mga interpellations at amendments.
The post Ebidensya dapat buo, matibay bago maglabas ng warrant of arrest appeared first on Journal News Online.